(Update) GENERAL SANTOS CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang evaluation ng Bureau of Fire Protection-Gensan sa malaking sunog na nangyari sa Purok Saeg, Barangay Calumpang nitong lungsod kahapon ng hapon.
Mahigit sa 1,025 na pamilya ang nawalan ng bahay na nakisilong muna sa barangay gymnasium, sports complex at sa kanilang mga kamag-anak.
Ang nasabing bilang ng mga residente ay mula sa city social welfare and development office na nag-aasiste sa lugar.
Hindi pa man kinukumpirma na ang dahilan ng sunog ay ang paglalaro umano ng posporo ng bata malapit sa naka-stock na mga galon ng gasolina.
Sinasabing mabilis na kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa light materials at dagdag pa ang mahangin dahil ang naturang lugar ay nasa tabing dagat.
Naglagay na rin ng help desk para sa pang-unang pangangailangan ng mga residente kagaya ng pagkain, damit, at mga personal na pangangailangan.
Mahigit sa apat na oras din bago na nadeklarang fire out ang sunog dahil pahirapan sa mga bombero ang pagpasok sa lugar bunsod sa may kasikipan.