Nilinaw ni Sen. Antonio Trillanes IV na hindi niya isinisisi sa mga paring nagdala sa kay Joemel Peter Advincula alyas “Bikoy” sa kaniyang tanggapan ang pagkakakaladkad ng pangalan sa kontrobersyal na videos.
Ayon kay Trillanes, malinaw na biktima rin ang mga pari ng isang panloloko at kataksilan ni Advincula.
Normal lang umano ang ginawa ng mga ito na idinulog sa isang opisyal ang taong nagsasabi na nasa panganib ang kaniyang buhay dahil sa hawak na impormasyon.
Wala naman umanong pinagsisisihan ang mambabatas nang hindi niya tinanggap bilang whistleblower si Advincula dahil talagang noon pa man ay nakitaan na niya ng mga kakulangan ang testimonya nito at wala ring ebidensyang mailahad.
Maliban kay Trillanes, nilapitan din ni Bikoy si Senate President Tito Sotto noong 2016 para idiin naman sa akusasyong dawit sa droga si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.