-- Advertisements --

NAGA CITY – Nakatakdang isailalim ngayon sa stress debriefing ang mga nakaligtas sa nangyaring aksidente sa San Fernando, Camarines Sur na ikinamatay ng 13 katao at ikinasugat ng 35 iba pa.

Sa panayam kay Jerry Café, Barangay Chairman ng Barangay San Joaquin ng nasabing bayan, sinabi nito na may dumulog na sa kanilang barangay upang tumulong na maisagawa ang nasabing programa.

Napag-alaman na pito mula sa nasabing barangay ang nakasama sa mga namatay habang 28 naman ang mga nasugatan.

Nagsagawa rin aniya ang kanilang council ng emergency meeting kagabi para makakuha ng pondo sa DRRM Fund para makapagbigay ng tulong sa mga biktima.

Habang may hiwalay naman umanong tulong na ibibigay ang lokal na pamahalaan ng San Fernando.

Sa ngayon nanatili pa rin sa pagamutan ang anim sa 35 mga nasugatan sa nangyaring aksidente matapos mawalan ng preno ang sinasakyang nitong truck mula sa pamamanhikan.