Mahigit 4 na milyong bagong botante na ang nakarehistro para sa 2025 national at local elections (NLE) mula ng buksan ang voter registration noong Pebrero 12.
Lagpas na ito sa 3 milyong target na itinakda ng Commission on Elections (Comelec).
Sa pinakahuling datos ng poll body, mayroong kabuuang 4,565,405 na bagong botante para sa 2025 NLE noong Hulyo 16.
Naitala ng Calabarzon ang pinakamaraming bilang ng mga nagparehistro, na may 768,899. Sinundan ito ng National Capital Region (NCR) na may 634,881; Central Luzon na may 534,782; Davao Region na may 268,289; at Bicol Region na may 215,094. Nakapagrehistro naman ang Comelec main office ng 7,432 bagong botante.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang mga hindi pa nakapagpatala na maaari pang humabol na magparehistro mula Lunes hanggang Sabado, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., sa alinmang tanggapan ng Comelec sa buong bansa na magtatagal na lamang hanggang sa Setyembre 30.
Bukas din ang Register Anywhere Program ng poll body para sa mga gustong magparehistro para bumoto sa mga itinalagang site tulad ng mga mall at paaralan.