-- Advertisements --

Umabot na sa mahigit 4 million applications ang natanggap ng Commission on Elections (Comelec) kasabay ng nagpapatuloy na voter’s registration.

Hanggang nitong Hunyo 26, mayroon nang 4,057,001 na aplikasyon ang natanggap ng komisyon, mula nang sinimulan ang voter’s registration noong Pebrero 12, 2024.

Batay sa breakdown ng COMELEC, 2,093,011 dito ay pawang mga babae habang 1,963,990 dito ay mga lalake.

Pinakamalaking bilang ang nagmula sa Region 4-A (Calabarzon) na may kabuuang 696,555 applicants. Pangalawa rito ang National Capital Region na nakapagtala ng 561,714 habang pangatlo ang Region 3(Central Luzon) na may naitalang 477,016 na aplikasyon.

Nananatili namang mababa ang bilang ng mga aplikasyon mula sa Cordillera Administrative Region na umabot lamang sa 53,778. Ito ay binubuo ng 28,224 na mga babae at 25,554 na mga lalake.

Una nang sinabi ng COMELEC na tatlong milyong botante ang target nilang mairehistro kasabay ng pagbubukas ng registration ngunit noong Mayo pa lamang ay nalagpasan na nito ang bilang ng mga nagparehistro.

Magtatagal naman ang voter registration hanggang sa Setyembre 30, 2024.