-- Advertisements --

Tumaas ang bilang ng mga Chinese arrivals sa bansa sa kabila ng tuluyang pagbabawal ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, lumobo sa 20% o mahigit kalahating milyon (500,082) ang Chinese arrivals noong nakalipas na taon.

Mas mataas ito kumpara sa mahigit 400,000 na nairehistro noong 2023.

Ipinaliwanag naman ni BI spokesperson Dana Sandoval na bagamat tumaas ang arrivals mula sa China, nananatiling malayo pa rin ang bilang na ito sa naitala noong bago magka-pandemiya sa bansa na umabot ng 1.9 million.

Sa parte naman ng Department of Tourism (DOT), sinabi nito na maiuugnay ang pagtaas ng bilang ng mga turistang Chinese sa bansa sa pagtaas ng bilang ng flights sa commercial at chartered flights na nagkokonekta sa China sa Cebu, Bohol at Davao, mula noong 2023 kabilang noong unang kalahati ng 2024.

Gayundin naka-ambag din dito ang cruise ships na nagdadala ng malaking bilang ng mga bumibisitang turista sa bansa na nagsimula noong second half ng 2024.