Tumaas pa ang bilang ng namataang Chinese maritime militia at fishing vessels sa Pag-asa island sa West Philippine Sea nitong araw ng Miyerkules.
Base sa monitoring ni US maritime security expert Ray Powell, dumami sa 83 ang bilang ng na-ispatang barko ng China sa naturang karagatan.
Nauna na kasing iniulat ni Powell na naobserbahan ang aabot sa hanggang 75 barko ng China sa naturang isla na maituturing na pinakamalaking kumpulan ng mga Chinese vessels na namataan sa lugar na nasa loob ng 2.5 hanggang 5.5 nautical miles ng isla na pasok sa 12 NM ng territorial waters ng Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Philippine Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na fairly accurate o medyo tumpak ang naunang obserbasyon ni Powell sa bilang ng mga Chinese vessels sa isla dahil ito ay malapit lamang sa Subi reef kung saan may artificial military base ang China.
Samantala, nauna naman ng sinabi ng PH Navy na nananatiling banta ang presensiya ng mga barko ng China kabilang na ang kanilang maritime militia, People’s Liberation Army Navy at Coast Guard na matagal ng namamalagi sa lugar.
Sa kabila naman nito, tiniyak ng PH Navy official na ipagpapatuloy ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang paggampan ng kanilang mandato para protektahan ang WPS.