Umabot na sa kabuuang 2,269 ang kaso ng dengue sa Quezon City kung saan 200 dito ang bagong naitalang kaso ng Dengue kahapon, Pebrero 20—halos tatlong beses na mas mataas kumpara sa 609 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa datos mula sa City Epidemiology and Surveillance Division, mula Enero 1 hanggang Pebrero 20, 11 ang mga nasawi sa dengue.

Maaalalang noong nakaraang linggo ay nag deklara ang lungsod ng dengue outbreak.
Aminado si Mayor Joy Belmonte na ang pagdeklara nito ng outbreak ay hakbang upang mabilis na matugunan ang sitwasyon at maprotektahan ang mga residente, lalo na ang mga bata, laban sa nakamamatay na sakit.
‘Our declaration of a dengue outbreak ensures that we are on top of the situation, and we are doing everything we can to protect our residents from this deadly disease, especially our children, ani Mayor Belmonte.
Ayon pa sa mga ulat, walo sa mga nasawi ay mga bata, at ang pinakabata ay isang siyam na buwang gulang na batang babae mula sa Barangay Holy Spirit.
Kaugnay pa nito 76 na mga barangay ang nakapagtala ng mga kaso na lumampas sa epidemic threshold—ang minimum na bilang ng mga kaso na nagmamarka ng outbreak—sa nakaraang anim na linggo. Ilan sa mga pinaka-apektadong lugar ay ang mga barangay ng Batasan Hills (183 kaso), Payatas A at B (143 kaso), at Commonwealth (116 kaso).
Bilang tugon sa pagtaas ng mga kaso, ang lahat ng 66 health centers sa lungsod ay bukas kahit sa weekends upang magbigay serbisyo sa mga pasyente.
Nagtayo rin ang lungsod ng “fever express lane” sa mga health center at ospital ng lungsod upang mabilis na matugunan ang mga kaso ng lagnat, na isang karaniwang sintomas ng dengue. Nagbibigay din ng libreng dengue test kits ang lahat ng health center at ospital sa QC.
Hinimok naman ni Belmonte ang mga residente na agad pumunta sa pinakamalapit na health center kung nakakaranas ng sintomas ng dengue tulad ng lagnat, sakit ng ulo, at pananakit ng katawan.
Samantala ayon sa Department of Health (DOH), tumataas din ang bilang ng mga kaso ng dengue sa buong bansa. Noong Pebrero 1 na nakapagtala ng 28,234 kaso ng dengue, 40% na mataas mula noong nakaraang taon.