Ipinagmalaki ng Department of Tourism (DOT) na pumalo sa 7.48 milyon ang bilang ng international visitor arrivals sa Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 2019.
Ayon sa DOT, ito ay mas mataas ng 15.58% kung ihahambing sa kaparehas na panahon noong 2018.
Nakapagtala raw sila ng 684,063 international visitors nitong Nobyembre 2019, na may pag-akyat na 21.25% sa kaparehong buwan ng nakalipas na taon.
“We are just happy that our collected efforts paid off with the yearend projections indicating an outstanding performance of the tourism industry,” saad ni DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat.
Inaasahan din aniya ng kagawaran na ang naging hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games ay siyang magpapalago pa sa naitala nilang mga pagbisita ng mga banyaga nitong 2019.
Gayunman, inihayag ni Puyat na mas mahalaga ang pagpapalakas pa sa sustainable tourism development program ng bansa kompara sa pagkamit ng nasabing mga numero.
Saad ng DOT, batay sa National Tourism Development Program (NTDP) para sa taong 2016-2022, inaasahan nilang nasa 8.2-milyon ang total international tourist arrivals.
“The continued increase in tourist arrivals through November ensures we would have achieved a year-end total that surpasses that of the previous year,” ani Puyat. But what’s more important is we have launched a successful movement for sustainable tourism.”