-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Pagkakaroon ng maraming guidance counselors.

Ito ang tinukoy ni Shiela Lim Manuel, President, Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers o ASERT na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga suicide cases sa Pilipinas.

Sa kanilang datos magmula Enero sa kasalukuyang taon, nasa 4,474 lamang umano ang kabuuang bilang ng naturang posisyon sa buong bansa na kulang upang matugunan ang mental na pangangailangan ng kabuuang 28 milyong estudyante sa hayskul at 4.1 milyong estudyante ng kolehiyo sa school year 2022-2023.

Ipinunto ni Manuel ang matinding pangangailangan ng guidance counselors sa mga paaralan dahil karamihan aniya sa mga estudyante ay dumaranas ng mga problema sa kani-kanilang mga pamilya kung kaya’t nagsisilbi outlet ng mga ito ang eskwelahan.

Pagbibigay diin ni Manuel na hindi umano well-compensated ang mga guidance counselors dahil walang nangyayaring pagtugon sa pagdami ng kaso ng bullying sa mga paaralan ng Pilipinas na siyang isa sa mga nagiging dahilan ng suicide.

Dagdag pa ni Manuel na dapat bigyan ng mga plantilya ang mga guro upang mahikayat na maging school counselors dahil bukod kasi aniya sa mahirap matamo ang posisyong ito ay maliit din lamang ang sahod.

Maliban dito pinuri naman ni Manuel ang ginagawa ng Department of Health kung saan naglulunsad ito ng Mental health awareness para sa mga estudyante at mga magulang.

Kaugnay ito sa naitalang pagtaas ng pang-aabuso sa mga mag-aaral noong nakaraang dalawang taon ng pandemya.