DAVAO CITY – Nadagdagan ang bilang ng investment scams sa Davao region na nagsara kung saan ilan sa mga ito ay itinakas ng kanilang mga opisyal ang pera ng kanilang mga investors.
Huling nagsara at tinangay ang malaking halaga ng pera ay ang kompaniya na Enterprise Company o Enco.
Maraming investors ang nagreklamo sa Tagum City Police Station matapos na hindi na nakita ang mga opisyales ng nasabing investment company na nasa Mankilam, Tagum City.
Sa impormasyon na nakalap mula sa kapulisan, nasa P80 million ang tinangay ng Enco kung saan hindi na nagpakita ang ilang mga opisyales mula nang pinasara ito noong nakalipas na Hunyo 10, dahilan kaya wala na ring natanggap na pay-out ang mga investors.
Sinasabing nagsara na ang kompaniya dahil wala ng investors na nag-pay-in ng pera.
Marami umanong naloko ang Enco dahil nag-aalok ito ng 300% return of investment sa loob lamang ng 20 araw.
Maliban sa nasabing kompaniya, una na ring tinangay sa mga investment scams na QuestLink Digital Marketing at Titan 29 ang mahigit umanong P200 milyong halaga ng pera mula sa kanilang mga investors.
Samantalang una na rin na nag-anunsiyo na magsasara ang P7 Beauty and Health Products Marketing ngunit nangako itong ibabalik ang pera ng kanilang mga investors pati na rin ang Rigen Marketing.