-- Advertisements --

Bagamat bumababa ang bilang ng krimen sa bansa, nagkakaroon naman umano ng pangamba ang publiko dahil sa mga maling impormasyon na ipinapakalat sa social media, ayon kay House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list.

Sinabi ni Bongalon bumaba ang kaso ng krimen batay sa opisyal na datos mula kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, na nagpapatunay ng pagbuti ng seguridad ng publiko sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Gayunman, ayon kay Bongalon, ang mga pagbabagong ay nasasapawan ng mga viral post sa social media, na madalas ay kulang sa konteksto o hindi totoo, at nagpapalaganap ng takot at pag-aalala ng publiko.

Ayon sa datos ng PNP, bumaba ng 26.76% ang focus crimes—mula 4,817 na kaso noong Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024, patungo sa 3,528 kumpara sa kaparehong panahon ngayong taon.

Kabilang sa mga focus crimes ang nakawan, theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury, at carnapping ng motorsiklo at sasakyan. Ayon di sa tala, ang panggagahsa ay may pinakamalaking pagbaba na umabot ng hanggang higit sa 50 posiyento.

Ipinakita rin ng year-on-year data ang 7.31% na pagbaba sa focus crimes, mula 41,717 na kaso noong 2023 kumpara sa 38,667 ngayong 2024.

Sinegundahan ni Bongalon ang panawagan ni Marbil, na nanawagan sa mga mamamahayag at online users na iulat ang krimen nang may patas na pagtingin at tamang nilalaman, at iwasan ang pagpapalala ng insidente na maaaring magdulot ng maling impresyon sa kabuuang sitwasyon.

Ayon kay Marbil, ang patuloy na pagbaba ng kriminalidad ay bunga ng mas mataas na presensya ng pulisya, mas advanced na mga kasangkapang pang-imbestigasyon, digital surveillance, at mas matibay na pakikipagtulungan ng mga komunidad— mga hakbang na naaayon sa pangitain ni Pangulong Marcos para sa isang mas maayos at ligtas na Pilipinas.

Gayunpaman, inamin ni Marbil na ang pagkalat ng mga krimen sa social media ay maaaring magbigay ng maling impresyon na lumalala ang kriminalidad.

Hinikayat niya ang publiko na gamitin ang social media platform ito nang may responsibilidad—bilang mga kasangkapan sa seguridad, hindi sa takot—at iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad sa halip na ipakalat ang hindi beripikadong impormasyon.

Pinagtibay ni Bongalon ang panawagang ito, kasabay ng babala na ang fake news ay hindi lamang nakasisira sa tiwala ng publiko kundi pati sa morale ng mga pulis.

Nanawagan si Bongalon ng mas matibay na media literacy, lalo na sa mga kabataan, upang matulungan ang mga Pilipino na matukoy ang pinagkakatiwalaang impormasyon mula sa mga viral na disimpormasyon.