DAVAO CITY – Kinumpirma ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Davao de Oro na kaunti na lamang ang mga naitatalang aftershocks sa buong probinsya matapos niyanig ng magkakakasunod na magnitude 5.9 na lindol noong Martes, ika-7 ng Marso.
Nagpapatuloy pa rin ang information dissemination ng ahensya hinggil sa mga dapat gawin sa panahon ng lindol. Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Davao kay Engineer Allen Baco, Operations and Warning In Charge Officer ng PDRRMO Davao de Oro, hinikayat niya ang mga mamamayan ng probinsiya na makilahok sa mga earthquake drills at mas lalong itaas ang pagmamatyag sa paligid sa panahon na humagupit muli ang malakas na lindol ng probinsya.
Ayon sa pinakahuling datos na naitala ng Office of the Civil Defense 11 as of 12PM of March 12, nasa 1,477 ang naitalang pagyanig sa probinsya. Sa naturang bilang, nasa 240 ang mga plotted earthquakes, at nasa 33 ang naitalang bilang ng mga naramdamang lindol sa kalakhang probinsya.
Samantala, matagumpay namang naihatid ng DSWD 11 at Davao de Oro LGU ang mga dagdag na tulong sa mga residente ng Sitio Kilabot sa Barangay Ngan, Compostela; Barangay Prosperidad, Montevista; Barangay Mainit, Nabunturan; at mga barangay ng Fatima at Magangit sa munisipalidad ng New Bataan na idineklara ngayong nasa State of Calamity. Inaasahan naman ang pagdagsa ng tulong galing sa iba pang sangay ng pamahalaan at mga NGOs ng probinsya.
Ayon rin sa ulat ng OCD 11, nasa 17,914 na mga pamilya ang apektado at 3,156 na mga kabahayan ang naitalang nasira dahil sa nangyaring lindol sa probinsya ng Davao de Oro.