-- Advertisements --

Tumaas sa 8.6 million ang bilang ng mga babaeng Pilipino na gumagamit ng contraceptives, kung saan ang paggamit ng birth control pills ang pinaka-popular na pamamaraan, ayon sa Commission on Population and Development (CPD).

Ipinakita ng mga bagong datos na ang bilang ng mga babaeng gumagamit ng contraceptives ay tumaas mula sa 8.3 million noong 2022, na nagmarka sa mga babaeng may pamamaraan.

Ayon sa CPD, ang pagtaas ng paggamit ng contraceptives ay nagpapakita na mas mababang bilang ng mga ipinapanganak na anak ng mga kababaihan, na mayroon lamang bilang na 1.9 na anak sa bawat babae.

Ang numerong ito ay mas mababa sa replacement level—isang positibong indikasyon ng pag-unlad ng demographics ng bansa.

Ayon sa datos ng CPD, 34.48 percent ng mga kababaihan ang mas gustong gumamit ng pills bilang kanilang contraceptives, kaya’t ito ang pinaka-popular na pamamaraan.

Sinundan ito ng injectables na mayroong 20.66 percent. Kaugnay pa nito ang pagtaas ng paggamit ng implants bilang isang paraan din ng contraceptives.

Binigyang-diin ni CPD executive director, Undersecretary Lisa Grace Bersales ang kahalagahan ng patuloy na pagtiyak na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga kababaihan upang makamit ng mga ito ang kanilang karapatan, kabilang ang kanilang kakayahang magdesisyon sa bilang at agwat ng kanilang mga anak.

Na nakapaloob naman sa Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) 2023-2028 na may layuning suportahan ang karapatan ng kababaihan sa buong bansa.

Kabilang sa mga ito ang (1) family planning, (2) pag-suporta sa kalusugan ng mga kabataan, (3) promosyon para sa responsableng pagpapamilya, (4) labor force empowerment, at (5) pagpapalaganap ng aktibo at malusog na pamumuhay sa mga nakatatanda.

Nakatuon din ang PPD-POA sa pagpapabilis ng pag-unlad sa mga marginalized sector dito sa Pilipinas.

Samantala patuloy ang ginagawang pagsisikap ng komisyon na ma-optimize ang demographic opportunities habang tinutugunan ang mga isyu at hamon ng populasyon, partikular ang mga isyu ng mga kababaihan sa Pilipinas, upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.