(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 955 pamilya ang lumikas sa bayan ng Pikit, Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Pikit Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Tahira Kalantungan.
Sa ngayon temporaryong nakatira ang mga bakwit sa mga paaralan, mosque at bahay ng kanilang mga kaanak sa bayan ng Pikit.
Sinasabing doble pahirap sa mga lumikas na sibilyan ang nararanasang pagbaha dulot ng sama ng panahon.
Namigay na rin ng tulong ang LGU-Pikit sa mga bakwit mula sa Sitio Butelin, Brgy Kabasalan, Pikit, Cotabato.
Samantala sa probinsya ng Maguindanao ay umaabot na sa 1,453 pamilya ang lumikas at pansamatalang tumira sa mga paaralan, mga bahay ng kanilang mga kaanak, basketball court at mosque sa Brgy Pandi at Barangay Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao.
Nanguna sa pamimigay ng tulong sa mga bakwit ang Bangsamoro Readi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tiniyak ni Myrna Jo Henry, focal person ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) na 24/7 na nakamanman ang kanilang tanggapan sa mga bakwit ng kaguluhan at baha sa Maguindanao.
Aasahan na tataas pa ang bilang ng mga bakwit sa nagpapatuloy na surgical strike ng Joint Task Force Central ng militar laban sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao at hangganan ng North Cotabato.