-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Nagpapatuloy ang retrieval operations ng mga otoridad sa 10 gulang na batang lalaki na nawawala sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Task Force Lingkod Cagayan na pinaniniwalaang nalunod ang biktima dahil sa malawakang pagbaha sa hilagang Luzon dahil sa pag-ulan bunsod ng cold front na pinalakas ng bagyong “Quiel”.

Pansamantala namang isinara sa mga motorista ang national highway sa Barangay San Miguel, Sta Praxedes o ang lansangan palabas at papasok sa Cagayan patungong Ilocos dahil sa mga landslides.

Sa ngayon, anim na bayan sa Hilagang Cagayan ang nakararanas ng pagbaha na kinabibilangan ng Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez Mira, Claveria at Sta Praxedes.

Ayon kay Rapsing, nasa 89 pamilya o 301 katao ang inilikas sa apat na Barangay at tatlong sitio sa bayan ng Pamplona

Patuloy namang minomonitor ng TFLC ang antas ng tubig sa mga ilog sa Northern Cagayan na tumaas ng hanggang dalawang metro sa normal level na dulot ng malakas na pag-ulan.

Nananatili namang suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga nabanggit na bayan na sa kasalukuyan ay inabot na rin ng mga pagbaha.