Nadagdagan pa ang bilang ng mga barko ng China sa iba’t-ibang bahagi ng West Philippine Sea.
Kasunod ito ng ikinasang civilian mission ng Civil society group na Atin Ito Coalition sa Bajo de Masinloc shoal sa bahagi ng naturang pinag-aagawang teritoryo sa karagatan
Batay sa Pinakahuling monitoring ng Philippine Navy mula noong Mayo 7 hanggang Mayo 20,2024 ay pumalo na sa kabuuang 226 ang bilang ng mga barko ng China ang namataan ang presensya sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga ito ang 30 China Coast Guard vessels, 11 People’s Liberation Army Navy ships, 184 Chinese Maritime Militia vessels, at isang Chinese cargo ship na pawang na-monitor sa Bajo de Masinloc shoal,Ayungin shoal, Pag-asa Islands, Kota Island, Likas Island, Lawak Island, Panata Island, at Patag Island.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Roy Vincent Trinidad ang pagdami na ito ng bilang ng mga barko ng China sa naturang lugar ay reaksyon ng nasabing bansa sa isinagawang civilian mission ng Atin Ito Coalition.
Kung maaalala, una nang napaulat na may namataan na presensya ng hindi bababa sa sampung mga barko ng China sa kasagsagan ng misyon ng nasabing civil society group na tinangkang pigilan ang naturang aktibidad.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay naging matagumpay pa rin ang ikinasang misyon ng naturang grupo sa WPS.