Bumaba na ang bilang ng mga batang Pilipinong hindi bakunado sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).
Mula sa dating mahigit 1 million noong 2020-2021, bumaba ito sa 163,000 noong 2023.
Iniugnay ng ahensiya ang malaking pagbaba sa pinaigting na pagbabakuna sa national at local levels.
Ayon sa DOH, sa datos noong Pebrero 2025, nasa mahigit 1.5 milyong bata edad 0-12 buwan ang kumpleto ang bakuna.
Sa kabila ng pagbaba ng mga hindi bakunadong bata, nagbabala ang DOH na maaaring matigil o ma-reverse kung walang patuloy na pondo, supply chain support at political will sa lahat ng lebel ng pamahalaan.
Kasabay ng pagmarka ng World Immunization Week nitong Abril 24 hanggang sa 30, magsasagawa ang DOH ng pagbabakuna sa Calbayog City sa Samar kung saan mahigit 31,000 indibidwal ang inaasahang bakunahan.
Dito, makakatanggap ang mga bata edad 0 hanggang 12 buwan ng bakuna para sa tuberculosis, polio, pneumonia, measles, mumps, rubella, at pentavalent vaccine.
Habang ibabakuna naman ang flu at pneumonia vaccines para sa mga matatanda habang ang mga batang babae edad 9 hanggang 14 anyos ay bibigyan ng HPV vaccine at makakatanggap naman ang mga buntis ng tetanus-diphtheria vaccine.