Nadagdagan pa ang bilang ng mga biktima ng paputok sa nakalipas na selebrasyon ng Christmas at New year.
Sa datos ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes, Enero 6, pumalo pa sa 843 ang kabuuang kaso ng firecracker-related injuries.
Ito ay matapos madagdagan pa ng 2 bagong kaso noong Bisperas ng Bagong taon, 3 ang nadagdag noong Enero 1, 2025 at 6 ang bagong kaso sa mga nakalipas na araw.
Nananatili naman sa 4 ang kabuuang bilang ng mga nasawi kung saan 3 dito ay sanhi ng paputok at 1 tinamaan ng ligaw na bala.
Pangunahing dahilan ng naitalang mga injury ay pagkasunog ng balat at malubhang kaso ng amputation o pagputol sa bahagi ng katawan.
Habang ang pangunahing mga paputok na nagbunga ng pinsala ay ang kwitis, 5-star at boga kung saan mga kabataan at menor de edad ang karamihan sa mga biktima.
Samantala, sakali man na mangailangan ng tulong huwag mag-atubiling tumawag sa 911 emergency hotline o sa 1555 DOH emergency hotline.