Pumalo na sa 340 ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong holiday season mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng Department of Health mula Disyembre 22, 2024 hanggang kaninang alas-6 ng umaga ngayong New Year, Enero 1, 2025.
Sa naturang bilang 141 ang nadagdag ngayong araw, subalit 64% itong mas mababa kumpara sa naitala noong Enero 1, 2024, bagamat maaaring mayroon pa aniyang late reports.
Nasa 239 sa mga biktima ay 19 taong gulang pababa habang 101 naman ang 20 anyos pataas. Sa kasarian ng mga biktima, 299 dito ay kalalakihan habang 41 naman ay kababaihan.
Karaniwang sanhi ng natamong injury ng mga biktima ay dahil sa iligal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo.
Ayon sa DOH, ang pangunahing injury na natamo ng mga biktima ng paputok ay eye injury, pagkaputol sa bahagi ng katawan at sunog sa balat.
Kayat paalala ng ahensiya sa publiko sakali man na naputukan, komunsulta agad sa ospital o doktor kahit maliit lamang ang natamong sugat mula sa paputok upang maiwasan ang tetano. Basain ng tubig ang mga paputok na hindi pumutok sa kalsada.
Gayundin payo ng DOH na huwag putulin ang mga paputok na hindi sumabog, linisin ang paligid at siguruhing walang mga anumang natirang paputok o pulbura mula sa mga paputok. Manatiling maging alerto at bantayan ang mga anak at iwasan ang paggamit ng natirang mga paputok.