VIGAN CITY – Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga barangay officials na maisasama sa listahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng makasuhan dahil sa anomalya sa distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobiyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay DILG USec. Martin Dino, tinatayang aabot umano ang bilang ng mga posibleng makasuhan na barangay officials sa 80 kasama na ang 49 na nauna nang nakasuhan.
Sa ngayon umano, inihahanda na nila ang mga kaukulang dokumento ng iba pang barangay officials na sasampahan ng kaso.
Maliban pa rito, hinihintay din umano nila ang desisyon ni Ombudsman Samuel Martires kung papatawan ng preventive suspension ang mga opisyal ng barangay na sasampahan ng kaso.
Karamihan sa mga natanggap na reklamo ng mga benepisyaryo ng SAP ay ang maling pagpili sa mga tatanggap ng ayuda, pagkakahati sa dalawa o tattalo ng cash aid nanaibigay at pangingikil.
Inirekreklamo din ang mga opisyal sa hindi pagsunod sa health protocol sa kanilang nasasakopan gaya nalamang ng pagsusuot ng facemask at social distancing.