Lalo pang dumami ang bilang ng mga Chinese nationals na umano’y nakakuha ng mga pekeng birth certificate sa Davao del Sur, gamit ang late registration.
Ito ay matapos matanggap ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa acting civil registrar ng Sta. Cruz ang report na umano’y umabot pa sa 1,200 ang bilang ng mga Chinese mula sa dating 200 na unang nabunyag.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, iniimbestigahan na rin ng ahensiya ang natanggap na ulat na ilan sa mga Tsinong nakatanggap ng pekeng certificate ay may mga criminal record.
Ayon pa kay Santiago, lalawakan na rin ng NBI ang imbestigasyon sa naturang isyu.
Maliban sa Davao City aniya ay magsasagawa na rin ang ahensiya ng hiwalay na imbestigasyon sa iba pang bahagi ng bansa, lalo na sa Pampanga at Tarlac, kung saan isinagawa ang paggalugad sa dalawang Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs kamakailan.
Ayon sa NBI, ang mga pekeng late birth registration ay nagsisilbing banta sa national security ng bansa.
Una rito ay sinuspindi ang civil registrar ng Sta Cruz na kinilalang si Mario Tizon.
Siya umano ay nagsisilbi pang civil registrar ng naturang bayan mula pa noong 1994.
Nitong nakalipas na linggo, naunang naaresto ng NBI ang ang isang Tsinong nakakuha ng pinekeng Philippine birth certificate mula sa bayan ng Sta Cruz.
Ginamit umano ng suspek, na kalauna’y kinilala bilang si Qui Halin, ang nakuha niyang pekeng birth certificate sa pag-apply ng pasaporte para sa kanyang biyahe papuntang US.
Ayon pa sa NBI, ginamit umano ni Halin ang pangalang Hengson Jabilles Limonsero noong kumuha ng pasaporte.
Nagpakita rin siya ng PSA ID card at driver’s license.
Kinalaunan, inamin din nitong mayroon siyang Chinese passport at ipinanganak sa Fujian Province sa China.
Maliban sa kanya, iniimbestigahan na rin ng NBI ang kanyang mga magulang, ukol sa totoong nasyunalidad ng mga ito.