-- Advertisements --
pnp chief azurin

Iniulat ni PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. na lagpas kalahati na ng kabuuang bilang 955 na mga 3rd level officers ng PNP ang naisailalim na ng pagsusuri ng 5-man advisory group.

Ito ay sa kabila ng mga sunud-sunod na kasong tinututukan ngayon ng pambansang pulisya.

Ayon kay Gen. Azurin, hindi pa rin nila isinasantabi ang pagpapatupad ng internal cleansing sa buong hanay ng kapulisan kahit na abala sila ngayon sa ibang bagay na may kinalaman pa rin sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Aniya, nakatakdang salain ng binuong 5-man advisory ang mga nalalabing courtesy resignation sa mga susunod na pagpupulong ng mga miyembro nito na napagkasunduan nilang isagawa dalawang kada isang linggo.

Matatandaang, una nang sinabi ni Gen. Azurin na target ng naturang advisory group na tapusin ang kanilang vetting process sa lalong madaling panahon bago ang tatlong buwang deadline na itinakda para dito.