BAGUIO CITY – Aabot na sa lima ang positibong kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon Cordillera.
Batay sa huling datus ng Baguio City Health Services Office, ala una ng hapon , apat na ngayon ang laboratory confirmed COVID cases sa Baguio habang dalawa na ang presumptive positive at isa ang nasawi.
Napag-alamang ang ikatlong kaso ay 23-anyos na lalaki mula Baguio na dumating sa lungsod noong March 13 mula Pasig.
Nakaramdam ito ng sintomas noong March 16 kaya nag-self quarantine at nagpakonsulta noong March 23 dahil sa patuloy na pagkati ng lalamunan.
Na-admit ito sa isang Level 3 na ospital dito sa lungsod at nasa stable na kondisyon kasama na rin ang ikalawa at ika-apat na COVID-19 positive cases ng Baguio.
Maaalalang ang unang kaso ng COVID-positive dito sa Cordillera Region ay isang Pinoy seaman sa UAE na taga-Abra na nasa stable na din na kondisyon.
Sa ngayon, hinihintay na rin ng DOH-Cordillera ang resulta ng lab test ng dalawang persons under investigation sa rehiyon na parehong pumanaw na.
Samantala, personal na binisita ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang mga problematic barangays ng lungsod para makita ang pagsunod ng mga residente sa mga polisiya ng Enhanced Community Quarantine at sa mga batas ng lungsod sa kalinisan.
Una rito, ipina-lockdown ng alkalde ang Barangay Pinget kagabi habang binalaan nito ang Barangay San Carlos Heights at Barangay Quezon Hill Extension ng kaparehong kapalaran kung hindi sila tatalima sa community quarantine policy.