Inaasahan ng Philippine Ports Authority(PPA) ang mahigit 100,000 na cruise passenger ngayong taon sa Pilipinas.
Ito ay mas mataas kumpara sa 90,000 na pasaherong naitala noong nakalipas na taon mula sa 91 cruise ship na dumalaw sa bansa.
Sa unang limang buwan pa lamang ng 2024, ayon kay PPA general-manager Jay Santiago, mayroon nang 65 na cruise ship ang bumisita sa Pilipinas. Laman ng mga ito ang hanggang 58,648 na pasahero.
Karamihan sa mga ito ay nagmula sa mga bansa sa Europa habang ang iba ay mula Hong Kong at iba pang bansa.
Ayon kay Santiago, tiyak na makakatulong ito para sa tuloy-tuloy na pagbangon ng turismo at ekonomiya ng bansa, mula sa dating epekto ng pandemya kung saan limitado lamang ang nakakapasok na mga sasakyang pandagat, lalo na ang mga cruise ship.