Lalo pang lumubo ang bilang ng mga botanteng natanggal at na-deactivate mula sa listahan ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa talaan ng komisyon, umaabot na sa 5,269,292 voters ang na-deactivate mula sa talaan habang ang bilang ng mga tinanggal ay lumubo na rin sa 579,720.
Paliwanag naman ni Comelec chairman George Garcia, ang mga tinanggal at na-deactivate sa listahan ay yaong mga nakulong, mga botanteng gumawa ng krimen na may kaugnayan sa disloyalty sa pamahalaan at yaong mga nakagawa ng krimen laban sa national security.
Kasama rin dito ang mga botanteng bigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan, at yaong mga nawalan ng Filipino citizenship.
Samantala, hinimok naman ni Chairman Garcia ang mahigit 5 million deactivated voters na magpa-activate lamang ng registration sa mga lokal na opisina ng komisyon at mga itinalagang satellite registration office.
Bukas aniya ang mga ito mula Lunes hanggang Sabado mula 8AM hanggang 5PM.