LAOAG CITY – Aabot na sa mahigit 150 pamilya ang bilang ng mga nasa evacuation center sa Ilocos Norte dahil sa pananalasa ng Bagyong Ramon.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo ni Police Capt. Edwardo Santos, ang chief of police sa bayan ng Pagudpud.
Ayon kay Santos, ang 130 indibidwal mula sa nasabing bilang ay nagmula sa Barangay Pansian at sa Barangay Pasaleng naman ay tinatayang 219 katao ang nananatili sa Pasaleng Elementary School.
Sinabi pa ni Santos na kahit ipinapatupad nila ang forced evacuation sa Pagudpud, may mga nagmatigas pa rin na hindi nila iiwan ang kanilang bahay.
Ngunit hindi aniya sila nagpatinag kaya kinumbinsi nila ang mga ito lalo na ang mga matatanda dahilan para sumunod din sila sa evacuation center.
Nabatid na ipinatupad nila ang forced evacuation dahil sa lakas ng hangin, na sinamahan pa ng malaki at mataas na alon sa dagat.
Bukod sa Pagudpud, may apat na pamilya o 15 na indibidwal mula naman sa Barangay Ricarte sa Batac City ang inilikas.
Samantala, kagabi pa lamang ay inilabas ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang Executive Order No. 36-19 hinggil sa pagbabawal munang magbenta at uminom ng alak o ang liquor ban hangga’t hindi lumalabas ang bagyo.