Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa 1,236,469 boxes ng family food packs ang naipamahagi sa mga biktima ng malawakang pagbaha sa bansa dulot ng mga pag-ulang dala ng supertyphoon Carina, bagyong butchoy, at pag-iral ng Hanging Habagat.
Malaking bulto ng mga naturang food packs ay ibinigay sa mga pamilyang naapektuhan mula sa Central Luzon; National Capital Region (NCR); Bicol Region; CALABARZON; MIMAROPA; Ilocos Region; at sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, magpapatuloy pa ang paghahatid ng pamahalaan ng tulong sa mga apektado, lalo na sa mga nananatili pa rin sa evacuation center.
Ani Dumlao, nagsagawa na rin ang ahensiya ng early disaster risk assessment upang matukoy ang pangangailangan pa ng bawat pamilya.
Nananatili rin aniya ang mga karagdagang food packs sa mga warehouse sa local offices ng DSWD, na nakahandang ipamahagi anumang oras, katuwang ang LGU.
Batay sa huling ulat ng pamahalaan, umabot na sa 6.1 million ang nakumpirmang bilang ng mga indibidwal na apektado ng pananalasa ng tatlong magkakasunod na weather disturbance.
Ito ay katumbas ng mahigit 1.6 million na pamilya.