Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapatuloy ng pagtutok nito sa kalagayan ng mga mangingisdang naapektuhan ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Teranova.
Sa kasalukuyan, iniulat ng ahensiya na umabot na sa 33,300 Family Food Packs (FFPs) ang naipamahagi sa mga biktima na unang natukoy ng mga lokal na pamahalaan.
Ilan sa mga naunang nabigyan na ng tulong ay ang mga mangingisda sa probinsya ng Cavite at probinsya ng Bataan na pinaka-apektado ng tumagas na langis.
Ang naturang tulong ay hiwalay pa sa ibinibigay ng mga lokal na pamahlaaan at ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Maliban sa mga naibigay na food packs, tiniyak din ng ahenisya na mayroon pang mga naka-preposisyon sa mga lokal na pamahalaan na nakahandang ipamahagi sa mga biktima.