-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Ikinalulungkot ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga illegitimate child sa rehiyon.

Batay sa datos ng ahensya noong 2017, nasa 55.7% ng mga bata sa Bicol ay illegitimate.

Mas mataas ito ng 44.3% kumpara sa datos noong 2016.

Sinabi ni PSA Bicol Director Cynthia Perdiz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang lalawigan ng Catanduanes ang may pinakamataas na bilang ng illegitimate child.

Isa sa mga nakikitang factor ng opisyal ang pagpapatupad ng Republic Act 9255 o Family Code of the Philippines na nagbibigay ng karapatan sa mga kabataan na gamitin ang apilyedo ng kanilang ama.

Mayroon din umanong ilang mga magulang na mas pinipili na hindi magpakasal sa kabila ng pagkakaroon ng anak gayundin ang mataas na kaso ng teenage pregnancy.

Paliwanag ni Perdiz, kahit na pinapayagan ng batas na gamitin ng bata ang pangalan ng ama, ngunit kung hindi kasal ang mga magulang, otomatikong itinuturing ito na illegitimate child.

Samantala, batay sa data, karamihan sa mga magulang na hindi kasal ay nasa edad 20 hanggang 24 na taong gulang.