Naitala ng Department of Tourism (DOT) noong 2024 ang pagtaas ng bilang ng mga Indian na bumibisita sa Pilipinas.
Kung saan aabot na ito sa 80,000 bilang ng mga Indian ang nasa Pilipinas na 12 percent umano na mas mataas kumpara noong taong 2023.
Ang pagtaas na ito sa turismo ay itinuturing na isang positibong pananaw para sa sektor ng turismo ng Pilipinas, habang tinatangkilik nito ang lumalawak na merkado ng outbound tourism mula sa India.
Binanggit ni DOT Secretary Christina Garcia-Frasco ang kahalagahan ng merkado ng India para sa turismo ng Pilipinas, at itinuturo ang iba’t ibang atraksyon ng bansa na nakakaakit sa mga Indian tourist.
Kabilang dito ang mga kilalang beach, mga award-winning na dive sites, mga pre-historic sites, at mga wedding destination tulad ng lalawigan ng Cebu. Binigyang diin pa ng ahensya na ang kombinasyon ng natural na kagandahan at pamana ng kultura ng Pilipinas ay labis na kaakit-akit aniya sa mga Indian na turista na naghahanap ng balanse ng pagpapahinga, pakikipagsapalaran, at pagkilalala sa Kultura ng mga Pinoy.
Upang suportahan ang paglago na ito, nagpatupad ang gobyerno ng Pilipinas ng mga hakbang upang gawing mas madali ang paglalakbay ng mga ito, tulad ng Cruise Visa Waiver Program, mga hakbang patungo sa visa liberalization, at pagpapakilala ng electronic visa para sa mga Indian.
Ang mga hakbang na ito ay naglalayong gawing mas magaan ang proseso ng pagbiyahe at ilagay ang Pilipinas bilang isang nangungunang destinasyon sa Southeast Asia para sa mga Indian tourist.