Inamin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagdinig ng Senado na kakaunti lang talaga ang mga kalalakihan na nagrereklamo kapag sila ay nakararanas ng pang-aabuso.
Sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Information and Mass Media kung saan kabilang sa dinidinig ang kaso ng sekswal na pangaabuso sa baguhang artista na si Sandro Muhlach, sinabi ni Robelyne Lumampao, hepe ng Behavioral Science Division ng NBI, mayroong nagrereklamong mga kalalakihan sa kanilang tanggapan ngunit bibihira lamang.
Aniya, sa kanilang statistics, sa tinatayang 150 na mga kaso ng pambu-bully, sexual abuse, rape at iba pa, nakatatanggap lamang sila ng 10% ng mga lalaki na lumalapit sa kanila para magreklamo.
Dagdag pa nito, hindi na bago sa kanila na talagang bihira ang mga lalaking nagrereklamo sa kanila.
Paglilinaw pa ni Lumampao, hindi sila namimili sa kasarian patungkol sa usapin ng pangaabuso. Aniya, nakatatanggap din sila ng reklamo mula sa third sex na nagrereklamo rin.
Ang pamomolestiya aniya ay hindi lamang nakaakibat sa mga kababaihan lamang kundi sa lahat ng kasarian.
Sinabi din ni Dr. Noel Reyes, Medical Center Chief II sa National Center for Mental Health, madalang sa kanilang karanasan na nakatatanggap sila ng reklamo mula sa mga kalalakihan lalo na sa mga kabataan.
Ngunit giit nito, ang isyu rito ay hindi dapat sa kasarian kundi sa taong sangkot sa pangaabuso na nakararanas ng trauma.
Sa economic standing, dagdag ni Reyes, isa sa dahilan kung bakit iniiwasan na lamang ng mga lalaki na magreklamo ay sa kadahilanang takot silang mawalan ng trabaho.
Samantala, dumalo naman sa pagdinig ng Senado si Jojo Nones at Richard Cruz na nirereklamo umano na sexual harrassment sa aktor na anak ni NiƱo Muhlach na si Sandro Muhlach.