-- Advertisements --

Bahagyang bumaba ang bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng storm surge warning ngayong araw(Nov. 16) dahil sa banta ng ST Pepito, kumpara kahapon.

Batay sa abisong inilabas ng weather bureau ng Department of Science And Technology, muling makakaranas ng storm surge ang mga probinsya ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Metro manila, Cavite, Batangas, Marinduque, Masbate, Sorsogon, at Samar Province.

Ang mga naturang lugar ay maaaring makaranas ng hanggang sa dalawang metrong taas ng mga daluyong.

Sa kabilang banda, inaasahan namang makakaranas ng mula dalawang metro hanggang tatlong metrong taas ng mga daluyong ang mga probinsya ng Isabela, Aurora, Batangas, Quezon, Albay, Camarines Norte, Catanduanes, Sorsogon, Eastern Samar, at Northern Samar.

Ayon sa weathern bureau, may posibilidad na aabot sa mga dalampasigan o mga kabahayan ang mga malalaking daluyong mula sa karagatan.

Muling pinag-iingat ang mga residente sa mga natukoy na lugar at pinaiiwas ang mga ito sa mga dalampasigan.