Halos mangalahati nalang ang bilang ng mga lugar na isinasailalim sa granular lockdown sa bansa ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa pinakahuling datos ng pulisya, nasa 489 na mga lugar na lamang sa buong bansa ang kasalukuyang nasa ilalim ng lockdown, 42.67% na mas mababa kumpara sa 853 na mga lugar na naitala noong nakaraang linggo.
Nasa kabuuang 611 kabahayaan o may katumbas na 1,077 na mga indibidwal ang apektado ng naturang lockdown habang nasa 73 na mga kapulisan at 190 force multipliers naman ang kasalukuyang nakadeploy upang matiyak ang seguridad ng mga ito.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ang Cordilleras ang may pinakamataas na bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng lockdown na may 391, na sinundan naman ng nasa 81 na mga lugar na naka-lockdown sa lalawigan ng Cagayan Valley.
Anim na lugar naman sa Maynila ang naitalang kasalukuyang nasa ilalim ng lockdown, pito sa Mimaropa, at apat naman sa Zamboanga peninsula.