Umabot na sa 154 ang bilang ng mga lugar sa buong bansa na nagdeklara ng state of calamity.
Kahapon ay nasa 151 na mga LGU lamang ang nasa ilalim ng State of Calamity ngunit dahil sa nagpapatuloy na pagbaha sa maraming bahagi ng bansa ay lalo pa itong nadadagdagan.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang mga nasabing lugar ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region.
Marami sa mga ito ay naunang napinsala ng Supertyphoon egay habang ang iba naman ay nalubog sa tubig baha na dulot ng mga malalakas na pag-ulan dahil sa Habagat.
Samantala, dahil nasa state of calamity ang mga nasabing lugar, magagamit na ng mga LGU ang kanilang calamity fund, para tugunan ang pagbangon ng mga ito.
Umiiral na rin ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga nasabing lugar.