KALIBO, Aklan —- Lalo pang tumaas ang bilang ng mga turistang nasisita dahil sa paglabag sa minimum health protocols matapos na ipatupad ang Alert Level 2 sa isla ng Boracay at buong lalawigan ng Aklan.
Ayon kay P/Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, may naitalang mahigit sa 29 na paglabag sa minimum public health standards noong Nobyembre 21 lalo na ang hindi pagsusuot ng face mask at paglabag sa curfew hours na alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Pawang tiniketan aniya ang mga violators na may multang P2,500.
May nasita rin na turista dahil sa pag-ihi sa frontbeach na paglabag sa Municipal Ordinance No. 311.
Matapos alisin ang RT-PCR test sa mga fully vaccinated na turista, umaabot na sa 40,474 ang tourist arrivals simula Nobyembre 1 hanggang 21 o may average nga 1,500 hanggang 2,000 na bisita kada araw.
Halos kalahati sa mga ito ay nagmula sa National Capital Region.