Nadagdagan pa ang mga kongresista na lumagda sa ika-apat na impeachment complaint laban kay Vice Pres. Sara Duterte.
Ito ang sinabi nina House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, at Rep. Rodge Gutierrez, na isa sa mga miyembro ng House Prosecution Team.
Sinabi ng mga mambabatas na may mga kasamahan sila na gusto pang humabol para maging complainant sa reklamong impeachment kontra sa bise presidente.
Sa katunayan, sa kanilang bilang ay nasa 239 na ang kabuuang pirma.
Gayunman, ang desisyon kung isasama pa ba o hindi ang mga humabol ay naka-depende sa rules ng Senado, na tatayong impeachment court.
Sa ngayon nasa 215 ang orihinal na lumagda at endorsers ng nasabing impeachment complaint, lagpas ito sa requirement na 1/3 ng buong miyembro ng Kamara para mapa-impeach ang bise presidente at mai-akyat ito sa Senado.