Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na naaapektuhan ng shear line at nagdaang bagyong Kabayan sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Ito ay matapos na lumobo pa sa kabuuang 322,768 na mga indibidwal o katumbas ng 87,599 na mga pamilya na naaapektuhan ng nasabing masamang lagay ng panahon.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, mula sa naturang bilang ay nasa 3,092 katao o 1,440 pamilya ang kasalukuyang nananatili ngayon sa 25 evacuation centers na inilaan ng pamahalaan, habang 66 na mga pamilya naman o 292 indibidwal ang piniling manuluyan muna sa kanilang mga kaanak at kakilala.
Samantala, sa ngayon ay tatlong lugar pa rin sa Davao Region ang nakakaranas pa rin ng power interruption, habang anim na lugar sa Caraga ang wala pa ring kuryente, at isang lugar din sa rehiyon ang wala paring linya ng komunikasyon ng dahil pa rin sa epekto ng sama ng panahon.
Aabot din sa 1,387 na mga kabahayan ang napaulat na partially damaged habang nasa 40 naman ang totally damaged mula sa rehiyon ng Northern Mindanao, Caraga, at MIMAROPA.
Ayon sa NDRRMC, sa ngayon ay umabot na sa kabuuang Php2,538,168.40 na halaga ng tulong na ang naipaabot ng pamahalaan para sa mga apektadong mga indibidwal ng shear line at tropical depression Kabayan.