-- Advertisements --
ITALY

Tumaas pa ang bilang ng mga nadadapuan sa Italy kahit isinagawa nila ang lockdown sa maraming lugar.

Ayon sa Civil Protection agency, mayroong 25% ang pagtaas mula sa dating 5,883 ay mayroon na ngayong 7,375.

Nauna rito nagpasya si Italian Prime Minister Giuseppe Conte, na isara hanggang Abril 3 ang mga paaralan, gyms, museums, nightclubs at ibang mga lugar sa bansa para tuluyang makontrol ang pagkalat ng virus.

Ayon sa Prime Minister, nais niyang matiyak na hindi malalagay sa panganib ang kalusugan ng kaniyang mga mamamayan.

Sa nakalipas na magdamag nasa 133 ang panibagong namatay sa Italya na mas mataas pa ang bilang sa mainland China.

Sa bagong rules na ipatutupad, hihimukin ang mga tao na huwag ng pumunta sa Lombardy at kung maaari ay umalis sa nasabing lugar.

Tinatayang nasa 10 million na mga katao ang naninirahan duon.

Sa ngayon iilang lugar pa lamang sa northern Italy na tinaguriang “red zones” ang na-quarantine.

Sa panukala, lahat ng leave ng mga healthcare workers ay kanselado.

Suspendido rin ang mga weddings, funerals at mga sport events.

Lahat ng mga eskwelahan at universities ay isasara sa Lombardy.

Inanunsiyo din ng Italian government na lahat ng mga eskwelahan sa buong bansa ay suspendido hanggang March 15.

Ang 11 probinsiya na apektado ng COVID 19 ay ang mga sumusunod: Modena, Parma, Piacenza, Reggio Emilia at Rimini sa rehiyon ng Emilia-Romagna — Venice, Padua at Treviso sa region ng Veneto — Asti at Alessandria sa Piedmont — at ang probinsiya ng Pesaro at Urbino sa central region ng Marche.

Una rito, napaulat din na nagpositibo sa coronavirus disease ang pinuno ng Democratic party sa Italy, na isa sa mga national ruling parties.

Sa isang video sa Facebook, sinabi ni Nicola Zingaretti na nasa self-isolation ito sa kanyang bahay.

Sinusuri na rin aniya ang mga taong kanyang nakasalamuha niya nitong mga nakalipas na araw.

Tiniyak naman ni Zingaretti na maayos naman ang kanyang kondisyon.