Nadagdagan pa ang bilang ng mga pantalan na nagbalik sa operasyon, kasunod ng pag-alis sa mga typhoon signal sa maraming bahagi ng bansa.
Ayon sa Philippine Coast Guard, pinayagan na ang pagbibiyahe sa malalaking mag sasakyang pandagat na unang na-stranded sa mga pantalan sa regionV, kasama na ang mga pantalan sa Batangas, at Mindoro provinces.
Ang nasabing hakbang ay nagbigay daan din upang tuluyan nang bumaba ang bilang ng mga pasaherong na-stranded sa mga pantalan sa buong bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Coast Guard Spokesperson, Rear Admiral. Armand Balilo na nakataas pa rin ang gale warning sa maraming bahagi ng bansa.
Ibig sabihin, nakakaranas pa rin ang maraming baybay-dagat ng malalakas na hampas ng alon.
Dahil dito, suspendido pa rin ang biyahe ng mga maliliit at mga malalaking sasakyang pandagat sa mga pantalan ng Lucena, Puerto Real, ilang bahagi ng Eastern Visayas, at ilang pantalan sa Maynila.
Pinag-iingat naman ng Coast Guard ang mga piloto at pasahero dahil sa likod ng pagpayag na makabiyahe ang mga ito, ay nananatili ang malalakas na alon sa mga karagatan.