-- Advertisements --
ask comelec voters registration2

Unti-unti nang nadaragdagan ang bilang ng mga nagpaparehistro sa bansa para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong tapos na ang holiday season.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. George Erwin Garcia, kasalukuyang Chairman ng Commission on Elections (Comelec), tapat siya na naging mabagal ang takbo at proseso ng registration noong Disyembre kung saan ang opisina ng ahensya kabilang ang mga voter registration sites sa bansa ay nilalangaw dahil na rin ang publiko ay nakatuon pa sa holiday break.

Ngunit pagtiyak ni Garcia na ngayong tapos na ang holiday season, ang publiko ay unti-unti nang nagtutungo sa malapit na registration sites upang makapagparehistro na.

“Noong una po, noong unang linggo hanggang sa ikalawang linggo, medyo mabagal. When I say mabagal po, unfortunately nilalangaw ang ating opisina ng Comelec. Iyong ating mga mall hindi ganoon karami ang pumupunta na mga kababayan natin. Pero siguro after nga nitong holiday, medyo may panahon na sila, medyo wala na iyong holiday atmosphere, kaya po sila ngayon ay pumupunta na sa opisina ng ating mga local Comelec and at the same time sa mga mall.” Ani Garcia.

Kaugnay niyan, sa nagpapatuloy na registration ngayon para sa october 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prison, sa Muntinlupa City, inaasahang mahigit dalawang libong person’s deprived of liberty (PDL) ang magpaparehistro ngayong araw.

Kasabay ng special satellite registration sa New Bilibid Prison, hinihikayat din ni Atty. Garcia ang publiko na magparehistro na sa lalong madaling panahon.

Ang voter registration sa bansa ay magtatapos sa Enero 31, 2023.