-- Advertisements --

Umakyat na sa 163 na kaso ng firecracker injuries ang naitala ng Department of Health matapos ang naitalang 21 na panibagong kaso dalawang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ang naturang bilang ng mga biktima ng paputok ay naitala mula December 22 hanggang 30, 2024.

Mas mataas ito ng 44% kumpara sa naitalang 113 na kaso ng firecracker injuries sa parehong panahon noong nakalipas na taon.

Nasa 72% o 118 cases ang biktima ng illegal firecrackers katulad ng boga, 5-star at Picolo.

Aabot naman sa 106 na kaso ang natukoy na aktibong gumagamit ng paputok ng mangyari ang aksidente.

Nangunguna pa rin ang mga kabataan biktima katumbas ng 135 na kaso. Mula sa nasabing bilang, 148 na kaso ay kinabibilangan ng lalaki at 15 naman ay babae.

Una nang iniulat ng ahensya na isang 78 anyos na lalaki ang nasawi dahil sa Judas belt firecracker.

Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok at sa halip ay gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay.