-- Advertisements --

Sa kabila ng mga naitatala at iniuulat na bilang ng mga nasawing indibidwal dahil sa pananalasa ng bagyo, iginiit ng Office of Civil Defense na patuloy ang isinagawang beripikasyon sa mga datos na ito.

Batay sa pinakahuling datos ng OCD, aabot na sa 116 na indibidwal ang naitalang namatay dahil sa pananalasa ng bagyo.

Ginawa ni Office of the Civil Defense (OCD) Administrator Usec. Ariel Nepomuceno ang naturang pahayag sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo.

Ayon kay Nepomuceno, lahat ng mga naitalang numero dadaan sa masusing beripikasyon at kinakailangan pa ng Death Certificate mula sa lokal na pamahalaan .

Pagkatapos nito ay saka lamang isusumite ang mga dokumento sa Department of Interior and Local Government.

Batay sa nasabing bilang ng mga nasawi, aabot pa lamang sa sampu ang natapos nang invalidate.

Karamihan sa mga naitalang nasawi ay dahil sa pagkalunod o di kaya ay natabunan ng gumuhong lupa .

Patuloy namang pinaghahanap hanggang sa ngayon ang aabot sa 39 na indibidwal ng mga kinauukulan.

Dahil nagpapatuloy pa ang rescue operation, posible pa aniyang madagdagan ang bilang ng naitatalang namatay dahil sa bagyo.