Ikinatuwa ng Commission on Elections ang mahigit dobleng bilang ng mga nagrehistrong botante sa kabuuan ng voter registration na nagtapos kahapon, Setyembre-30.
Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, tatlong milyong registrants lamang ang target ng komisyon noong binuksan ang registration period noong buwan ng Pebrero. Ang naturang target ay kapwa mga bagong botante, mga magpapa-reactivate, magpapalit ng presinto, at iba pa.
Gayunpaman, bago magsara ang registration kahapon ay mahigit 6.9 million ang kanilang naitalang aplikasyon.
Malaking bulto nito o mahigit 3 million ay pawang mga bago o first time voters.
Ayon sa Comelec, ang halos 7 milyong aplikasyon na kanilang natanggap sa kabuuan ng registration period ay tanda ng interes ng mga Pilipino na makibahagi sa nalalapit na halalan.
Una nang sinabi ng komisyon na wala nang extension ang pagpaparehistro sa mga botante.