-- Advertisements --

ROXAS CITY – Umabot na sa tatlumpo’t limang mga indibidwal ang nalason kabilang na ang isang namatay matapos kumain ng greenshell na pinaniniwalaang kontaminado ng red tide toxin sa bayan ng Pilar, Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ronald Roa Fishery coordinator ng LGU Pilar sinabi nito na batay sa nakalap nilang data mula sa MDRRMO at RHU ng kanilang bayan, nakapagtala na ng 35 mga indibidwal na dinala sa mga pagamutan magmula noong lunes ng hapon hanggang sa kasalukuyan kung saan isa rito ang 9 na taong gulang na binatilyo na binawian ng buhay.

Patuloy naman ang kanilang isinasagawang monitoring sa mga apektadong barangay at pagbibigay ng abiso sa mga shellfish growers, vendors, at mga mamamayan sa pamamagitan ng inilabas na executive order ni Mayor Arnold Perez kung saan ipinagbawal muna ang pagharvest, pagkunsomo at pagbebenta ng mga shellfish sa kanilang bayan.

Napag-alaman na nagmula sa mga barangay ng Binaobawan, Rosario, San Ramon, Natividad at Poblacion ang mga indibidwal na nakaranas ng pagkahilo, sakit ng tyan at pagmamanhid ng katawan matapos kumain ng grenshell.

Samantala, nangako naman ang LGU Pilar na magbibigay ng tulong sa mga apektadong residente at sa mga nalason.