-- Advertisements --

MANILA – Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng higit 36,000 na kaso ng dengue sa buong bansa.

Mula sa inilabas na datos ng Epidemiology Bureau ng DOH simula Enero 1 hanggang Pebrero 23, tinatayang 36,664 na ang bilang ng dengue cases sa bansa at 140 mula sa bilang ang naiulat na namatay.

Nababahala naman ang DOH dahil sa mataas na bilang ng kaso ng dengue.

Kung ikukumpara raw ang unang dalawang buwan ng taon sa kaparehong panahon noong 2018, mas mataas ng 14,703 ang bilang ng kaso ng dengue ngayon.

Sa tala, pinakamataas ang Central Visayas sa kaso ng dengue na mayroong 4,089 na infected ng virus.

Ikatlo naman sa may pinakamaraming kaso ng dengue ang National Capital Region (NCR) na pumapalo sa 3,821.

Mataas man ang bilang ng kaso ng dengue sa NCR, mas mababa naman ito kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, patuloy pa rin ang paalala ng DOH na bukod sa tigdas, kinakailangang mag-ingat din ang lahat sa lumolobong kaso ng dengue sa bansa.