Umakyat na sa 32 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon dahil sa hagupit ng Habagat na mas pinalakas pa ng nagdaang bagyong Carina ayon sa Philippine National Police.
Sa Calabarzon, ayon sa PNP, 12 katao ang patay kabilang ang 5 sa Batangas, 4 sa Cavite at 3 Rizal.
Karamihan sa mga ito ay namatay dahil sa pagkalunod, pagguho ng lupa, at nakuryente, habang may ilang nalaglag sa puno.
Sa Central Luzon, 9 ang nasawi kasabay ang 3 sa Angeles City, Pampanga at 6 sa Bulacan.
Samantala sa Metro Manila, 11 ang naiulat na namatay, 3 sa Maynila, at Quezon city. Tig-isa sa Malabon, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong, at Pasay. Habang 8 katao naman ang naiulat na sugatan sa Quezon City.
Nasa 1,319,467 katao o 299,344 na pamilya ang naapektuhan ng Habagat, Carina, at Butchoy sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas, ayon sa NDRRMC.
Sa mga apektadong populasyon, 211,396 katao o 53,414 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang 675,932 indibidwal o 114,735 pamilya ang nakikitira sa ibang lugar.