Pinangangambahan na maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga mamamatay dulot ng malakas na buhos ng ulan at pagbaha dahil sa epekto ng low pressure area, northeast monson at shear line.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umakyat pa sa 20 ang bilang ng mga namatay dahil sa sama ng panahon.
Ang mga naiulat na nasawi ay naitala sa Eastern Visayas (Region 8) na may anim na namatay; Bicol (Rehiyon 5) na may lima; Zamboanga Peninsula (Region 9) at Northern Mindanao (Region 10) na may tig-apat, at Davao Region (Region 11) na may isa.
Labinlima sa mga biktima ang namatay dahil sa pagkalunod habang ang isa ay natagpuang patay ng mga rescuer matapos makaranas ng epileptic attack sa gitna ng mga rescue efforts.
Kinilala siya na si Jerry Nino, 27-anyos, ng San Jose, Camarines Sur.
Hindi pa matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng iba pang mga nasawi.
Samantala, nakiramay si Undersecretary Ariel Nepomuceno, administrator ng Office of Civil Defense (OCD), sa pamilya ng yumaong si Corporal Jerry Palacio, miyembro ng 43rd Infantry Battalion (43rd IB), 8th Infantry Division (8ID).
Nalunod si Palacio habang papunta sa municipal disaster risk reduction and management office (MDDRMO) sa San Isidro, Northern Samar noong Enero 9 para magsagawa ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) operation para sa mga biktima ng baha doon.