BAGUIO CITY – Iimbestigahan na ang sanhi ng pagkamatay at pagsakit ng daan-daang mga election workers mula sa Voting Organizing Group (KPPS) ng bansang Indonesia na manual na nagbibilang ng mga milyon-milyong balota kasunod ng presidential and legislative elections sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo international correspondent Muhammad Hatta, kahapon ay aabot na sa 474 na election workers ang namatay dahil sa mga fatigue-related illneses batay sa record ng Komisi Pemilihan Umum (KPU) o The General Election Commission na siyang nag-oorganisa ng halalan sa Indonesia.
Hinimok naman ng chairman ng Indonesian Ulema Council na siyang top Muslim clerical body sa nasabing bansa ang pagbuo ng kanilang pamahalaan ng fact finding team na malalimang mag-iimbestiga sa insidente.
Aniya, dapat kasama ang mga elemento ng civil society sa bubuuing fact finding team.
Napag-alaman na kahapon ay nagsimula ang pagbigay ng pamahalaan ng Indonesia ng compensation sa mga namatay at mga nasa ospital na election workers kung saan ang naaprobahang pondo para dito ay 36 million Indonesian Rupiah o katumbas ng higit P131,000.