-- Advertisements --

Domuble pa ang bilang ng mga namatay dahil sa nagpapatuloy na pagbaha sa bansang Kenya.

Ayon sa Kenya Interior Ministry, umabot na sa 89,000 na mga kabahayan ang na-displace kung saan ang mga naturang pamilya ay kailangan nang patirahin sa mga ipinatayong temporary camp.

Batay sa datus ng naturang opisina, umabot na sa 120 ang kabuuang bilang ng mga namatay.

Sa kasalukuyan, umabot na rin sa kabuuang 112 temporary camp ang naipatayo at punong-puno ng mga inilikas na idibidwal.

Samantala, sinabi naman ni Kenya President William Ruto na nakahanda ang tulong na ipapamahagi sa mga residenteng apektado ng naturang pagbaha.

Sa ngayon ay nararanasan ng kenya at mga kalapit na bansa katulad ng Somalia at Ethiopia ang malalakas na pag-ulan na iniuugnay ng mga eksperto bilang epekto ng El Nino.

Ang mga naturang bansa ay kagagaling lamang sa tinaguriang pinakamalalang tagtuyot na kanilang naranasan sa loob ng apat na dekada.